VIGAN, Ilocos Sur — Bantay sarado si defending champion Jan Paul ­Morales, sumemplang si skipper Lloyd Lucien Reynante pero no problem para sa Navy-Standard Insurance team dahil binitbit sila ng batang si Ronald Lomotos sa Stage 1 ng LBC Ronda Pilipinas 2017 edition kahapon.

Dinomina rin ng Philippine Navy team ang 158-kilometer race na nagsimula at nagtapos sa Provincial ­Capitol dito nang ikahon ang 1-2-3 finish sa pangunguna ni 22-year-old Lomotos na nagtiyempo ng 3 hours, 51 minutes, 47 seconds.

Pumangalawa ang beteranong si Rudy Roque kasunod ang mas batang si Archie Cardaña sa event na nakataya ang P1 million premyo mula sa presentor LBC sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event ­Management.

Nabago ang plano ng Navy matapos ang mahigpit na pagbabantay kay ace rider Morales.

“Nakita namin hindi makakawala si Jan Paul kaya nabago ‘yung plano namin, sa unang 30 kilometers nag-breakaway na kami,” wika ng tubong San Felipe, Zambales na si Lomotos.

Nasa lead group pa rin sina Lomotos, Roque at Cardaña sa huling 30km, naisipan kumawala sa huling 20 kilo­metro ng karera para iparamdam agad ang lakas sa 14-stage race.

Isusuot ni Roque, 25, ang LBC red jersey bilang overall leader matapos irehistro ang 15-second bonus, 10 ay galing sa pagkakapanalo ng dalawang sprint races habang ang lima ay sa kanyang second place finish.

Larga ngayong araw ang Stage 2 criterium dito rin sa Vigan.