Pinigil ng defending champion Letran Knights ang four-game winning streak ng San Sebastian College Stags sa bisa ng 73-61 panalo kahapon sa 92nd NCAA seniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan.

Nagtuhog ng tig-16 markers sina Rey Nambatac at JP Calvo at nilista ng Knights ang ikalawang sunod na panalo tungo sa 7-7 baraha.

Nagkamada rin sina Felix Apreku at John Quinto ng tig-nine points para sa Letran, hinawakan ang 53-39 bentahe sa third period.

Sumemplang ang Stags 5-10 card.

Si Michael Calisaan ang kinapitan ng Stags sa opensa matapos ipinta ang 24 points kasama ang eight sa payoff period pero hindi sapat para ipanalo ang koponan.

Nag-ambag si Ryan Costelo ng 12 points para sa San Sebastian na biniktima ang Perpetual Help Altas, Mapua Cardinals, last year’s runner up San Beda at Lyceum Pirates bago naubusan sa Knights.

Nanaig naman ang Emilio Aguinaldo College Generals laban sa Lyceum 73-66 sa pangalawang laro.

Humada si Hamadou Laminou ng 20 points, kumurot si Sidney Onwubere ng 16 puntos at 10 rebounds para sa Generals na sinamahan ang Pirates sa seventh spot sa tig-5-9 win-loss records.

Nirehistro ni Adrian Alban ang 18 points habang 16 at nine na puntos ang inararo nina Mike Nzeusseu at Edcor Marata para sa Lyceum.