Nakatakdang baguhin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang disenyo ng mala-‘stairway to heaven’ na footbridge na nasa gitna ng  EDSA-Metro Rail Transit (MRT) 3 sa Kamuning, Quezon City matapos na patuloy pa ring binabatikos ng mga netizen.
Ayon kay Bong Nebrija, MMDA operations supervisor, nagdesisyon ang ahensiya na baguhin ang disenyo ng 13.8-meter footbridge sa  Scout Borromeo St.  dahil sa patuloy na pambabakbak ng publiko sanhi nang nakakalulang taas nito.
Sinabi ni Nebrija na dahil sa mataas ito’y planong maglagay ng ‘plat form o landing’ sa gitna ng tulay para bahagyang makapagpahinga ang pedestrian.
Lalagyan din aniya ng screen ang naturang footbridge para masiguro ang kaligtasan ng mga tumatawid.
Nabatid na ang mala-stairway to heaven na P10 million footbridge ay inaasahang matatapos nga­yong Nobyembre 27.
Itinayo ang naturang tulay para iwasang tumawid ang mga pedestrian sa gitna ng EDSA at huwag makipagpatintero sa mga sasakyan.