Pito ang maglalaban sa 2016 Sampaguita Stakes sa Linggo sa MetroTurf, kung saan gaganapin ang Don Juan Derby.

Nominadong magtatagisan sa P1.5-milliong total prizes sina: Court of Honour, Gentle Strength, Hook Shot, Malaya, Ma­rinx, Skyway at Up And Away.

Bahagyang mala-llamado si Skyway, naging Gold Cup champion noong nakaraang Disyembre, para sa first prize na P900,000. Ang second prize dito ay P337,500, ang third at fourth prize ay P187,500 at P75,000. Meron ding P60,000 bonus ang breeder ng magkakampeong kabayo.

Ang Sampaguita Stakes ay kampeonato ng mga babaing kabayo sa bansa at iniisponsoran ng Philracom.

***

Sa Linggo din ang Philippine Charity Sweepstakes Office Anniversary Cup na merong total prize na P1.5-million. Ito’y pabenepisyo para sa USTHS ’70 Medican Mission Society Inc.

Ang mga kalahok dito: Kanlaon ni Mayor Benhur Abalos; Dinalupihan ni Marlon Cunanan; Low Profile ni Ruben Dimacuha; Hugo Bozz ni Kris Bungar; Biseng Bise ni Caloocan Vice Mayor Maca Asistio III; at Cats Dream ni Atty. Narciso Morales.

Ang magkakampeon ay tatanggap din ng P900,000, ang sesegundo’y P350,000, third prize P200,000, at fourth prize P150,000.

***

Kabuuang P500,000 ang nakalaang papremyo sa first leg ng 3-Year-Old Imported Fillies Stakes sa Linggo din.

Nominated sa top prize na P300,000 sina Ava Jing Pot Pot, Ava Natalia, Daiquiri Lass, Love Rosie, Medaglia Espresso, Real Flames, Since When, at Yongyong.

Ang second prize ay P112,500, third P62,500, at fourth P25,000.