Umalog sa second set ang Petron kaya naman kinumpuni nina American imports Lindsay Stalzer at Hillary Hurley ang problema upang sikwatin ang 25-17, 8-25, 25-20, 25-17 panalo kontra Cignal kagabi sa Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Sta. Rosa Sports Center.

Humataw sina Stalzer at Hurley ng tig 18 points para sa Blaze Spikers, binitbit nila ang kanilang koponan sa endgame.

Nasa tuktok ng team standings ang Petron kasama ang 2-0 karta sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Mueller, Senoh, Grand Sport at LGR bilang technical sponsors.

Dalawang puntos lang ang hinahabol ng Blaze Spikers, sa set two, 8-10 pero hindi na sila nakapuntos matapos kanain ng HD Spikers ang 15-0 run.

Biglang bumangis sina Stalzer at Hurley, pinasan nila ang Blaze Spikers sa third at fourth frames upang tapusin ang laban.

Nagtala si Sonja Milanovic ng Bosnia ng team-high 23 points habang bumanat si Jeane Horton ng 20 markers para sa HD Spikers.