STANDINGS W L
Petron 9 0
F2 Logistics 7 2
PLDT Home Fibr 6 4
Cignal 5 5
United VC 4 4
Sta. Lucia 2 6
Generika-Ayala 2 7
Foton 1 8

Sa pangunguna nina Lindsay Stalzer at Rebecca Perry, sisikapin ng last year’s runner-up F2 Logistics na makabangon agad sa pagkakadapa upang manatili sa second spot ng team standings sa 7th Philippine Superliga 2019 Grand Prix 2nd round elims.

Nalugmok sa hu­ling laro kontra PLDT Home Fibr, haharapin ng Cargo Movers (7-2) ang running-sixth Sta. Lucia (2-6) sa alas-siyete ng gabi sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Nalasap ng Cargo Movers ang pangalawang talo sa siyam na laro matapos yumuko sa apat na set sa Power Hitters.

Wala si coach Ramil de Jesus sa tabi ng F2 nang matalo dahil inu­na pa ang De La Salle University sa 81st UAAP women’s indoor volleyball tournament 1st round elims.

“Sabay na sabay ang laro, mahirap talaga kasi, ‘yung iba akala na maglalaro lang, pero ‘yung preparation ng game. Paano ka magma-mindset, ‘yung planning,” kuwento ni De Jesus. “Iba pa rin ‘yung nandoon ako, mas kilala ko ‘yung mga player. Siyempre, sa isang team mahirap mawalan ng father figure sa loob.”

Ibabandera pa rin ng F2 ang pambatong reinforcements na sina Stalzer at Rebecca Perry upang siluhin ang pangwalong panalo.

Samantala, magbabanatan din ang nasa pumapanlimang United Volleyball Club (4-4) at nasa ikaapat na Cignal (5-5) sa alas-dos ng hapon, habang magkakaldagan ang running-third PLDT (6-4) at league-leader, defen­ding champion Petron (9-0). (Elech Dawa)