STANDHARDINGER, BEERMEN PININTAHAN ANG PAINTERS

Ipinagpatuloy ng San Miguel Beer ang inaasam nitong posibleng ikalawang grandslam sa kasaysayan ng liga matapos itakas ang 111-105 panalo kontra Rain or Shine sa Game 1 ng kanilang sariling best-of-five semifinals series ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum kagabi.

Umahon ang Beermen muna sa 13 puntos na pagkakaiwan sa unang yugto bago naging mahigpitan ang laban sa sumunod na tatlong canto bago nagpakitang-gilas si Christian Standhardinger para sa Philippine Cup champion tungo sa pagsungkit sa unang panalo at isang larong abante sa unahan sa tatlong panalong serye.

“I am just lucky I have a great teammate to set me up. I am really happy they help. Today we got lucky and got the victory. We are all very, very experienced now, the win just keep coming, “ sabi ni Standhardinger, na nagtala ng 20 puntos, walong rebounds at tig-isang assist at steal. “We always play catch-up this conference and we want to change it.”

Tumulong din ang import nito na si Chris Mccullough ng 32 puntos, 13 rebounds, 5 assists, 2 steals at 1 block para masungkit ang importanteng panalo at bentahe para sa kailangang tatlong panalo para makatuntong muli sa kampeonato.

Unang itinala ng Rain or Shine ang 20-7 abante sa 4:31 minuto ng unang yugto bago umahon ang Beermen sa pagbuhos ng walong sunod na puntos upang makabalikwas sa laro. (Lito Oredo)