papoposasan

Round 2 ng bakbakan ng San Miguel Beer at Magnolia Hotshots sa PBA Philippine Cup Finals.

Umpisa ng best-of-seven series sa Miyerkoles, May 1, sa Smart Araneta Coliseum.

Noong nakaraang taon, ginawang tuntungan ng Beermen ang limang panalo sa Hotshots para itaas ang pang-apat na sunod na tropeo sa torneo, bagay na wala pang nakakagawa sa kasaysayan ng liga.

No. 5 ang Beermen pagkatapos ng 11-game eliminations, inumpisahan ng Magnolia ang torneo sa 0-3 pero tumapos na No. 6.

Sa quarters, nilaktawan ng SMB ang No. 4 TNT. Yuko sa No. 3 Ginebra ang Magnolia sa opener ng quarters, pero hinamig ang dalawang sumunod na laro para umusad.

Tinapos ng Beer ang top seed Phoenix sa limang laro sa semis, nalubog sa 0-2 ang Magnolia bago tinakasan sa pitong laro ang No. 2 Rain or Shine sa hiwalay na series na natapos nitong Linggo lang.

Dinomina ng San Miguel ang Magnolia sa all-Filipino Finals noong isang taon.

Hindi pinaporma nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter sina Ian Sangalang, Mark Barroca, Jio Jalalon at Paul Lee.

Ngayong season, dagdag sakit ng ulo ni Hotshots coach Chito Victolero sina Christian Standhardinger at Terrence Romeo.

Dumating si Standhardinger sa kampo ni Leo Austria May ng nakaraang taon, nakuha si scoring champion Romeo mula TNT sa trade bago ang season-opening conference.
Dominante ang Beermen, pero makulit ang Hotshots na nagsisimula ang atake sa depensa ng guards, isama na sina Justin Melton at Rob Herndon.

Mula eliminations, nasanay nang umahon ang Magnolia kapag nanganganib nang masibak. (Vladi Eduarte)