Star City nasunog dahil sa overheat

Inalis na ang anggulong sadyang sinunog ang kilalang pasyalan na Star City matapos mapatunayan sa imbestigasyon na nag-overheat na ilaw lamang ang sanhi ng pagkakasunog nito.

Sa ipinalabas na ulat ni Gerrandie Agonos, spokesperson ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagmula sa uminit na ballast ng fluorescent sa compound ng Star City ang ugat ng pagliyab ng apoy na kumalat sa entertainment city compound at nadamay ang tanggapan ng DZRH noong Oktubre 2, nang taong kasalukuyan.

Isinantabi naman ang isyu na may arsonistang gumawa dahil sa na-trace na gasolina at bulak na posibleng dahilan umano ng sunog.

Ayon kay Agonos, ang pag-init umano ng fluorescent lamp ay umapoy at nadikit pa sa mga nakasabit na artificial plant at stuffed toy.

Ang resultang ito ay mula umano sa inilabas na imbestigasyon ng Interagency Anti-Arson Task Force at hindi ang initial finding noon ni Pasay City Fire Marshal Supt. Paul Pili.

Una nang itinanggi ng Star City management ang naunang statement ng Pasay City Fire dahil wala umanong motibo ang kanilang pamunuan para gawin ito.

Bukod sa tinatayang P15-milyong napinsala sa Star City, malaking halaga na kikitain sana nitong nagdaang Pasko at sa darating na Bagong Taon ang nawala sa kanila, ayon sa pamunuan. (Armida Rico)