Star-crossed OFW

Tanggap na ng pamilya ni Nikki Torrefranca, isang 27-anyos na OFW na tubong Aklan, na walang foul play na nangyari sa kanyang pagkamatay kamakailan sa Malaysia.

Si Nikki ay nahulog sa ika-15 palapag ng Sun Complex Building sa Bukit Bintang, Kuala Lumpur kamakailan. Ang kanyang labi ay nakatakdang dumating ng Pilipinas ngayong linggo.

Sa kwento ng ama ni Nikki na si Renato, napag-alaman nila na ni-raid ng Malaysian Police ang apartment complex kung saan ay may 400 illegal workers ang nahuli.

Panic

Sinasabing nag-panic raw si Nikki sa ginawang­ raid kung kaya siya ay nahulog mula sa gusali. Ang karamihan sa nahuli ay mga Pilipino.

Nagpasalamat naman si Renato na sinagot ng may-ari ng Vietnamese Restaurant ang nagasta sa ospital kung saan pa nadala si Nikki, gayundin ang cost ng repatriation ng kanyang katawan.

Para sa atin, dapat pa rin papanagutin ang may-ari ng Vietnamese Restaurant dahil sa pagha-hire nito ng undocumented workers.

Risks

Pero, on the other hand, kasama talaga sa risks ng pagtatrabaho sa ibang bansa na walang sapat na dokumento ang malagay ang buhay sa ala­nganin.

Napaka-vulnerable talaga ng undocumented workers dahil sa pang-aabuso ng employers at sa mga pangyayari na tulad ng sinapit ni Nikki.

Ang masaklap pa ay sumugal lang si Nikki sa pagtatrabaho sa ibang bansa upang ­mabigyan ng magandang buhay ang kanyang anak. Sa kasamaang-palad ay buhay niya ang naging kabayaran.

SONA fever

Bukas ay ide-deliver ni President Rodrigo Duterte ang kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) na pinakaaabangan ng mahigit 100 milyong Pilipino sa loob at labas ng bansa.

Excited tayong lahat na marinig ang sasabihin ng Pangulo lalo pa’t ayon sa feedback na ating natanggap dito sa atin ay maganda naman ang kanilang mga narinig sa kanyang inaugural speech.

Ang SONA ni Pangulong Duterte ay ie-ere ng Radio TV Malacañang at isa-simulcast ng iba pang radio at TV stations. Tulad ng inaugural speech, inaasa­hang ila-livestream sa Internet ang SONA ng Pangulo.

***

Come Follow Me on Twitter @beeslist. And Chime In with your opinions or comments. Kung may pinagsisintir, email lang sa usapang_ofw@yahoo.com or tumawag sa phone number 551-5163.