Kahit ano ang ibigay sa kanya ng Star, handang rumesponde si Ryan Roose Garcia.
Ibinaon ni Garcia ang mga pinakaimportanteng tira para buhatin ang Hotshots paalpas sa GlobalPort 105-102 sa overtime sa PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Tampok sa kinamadang 26 points ni Garcia, galing Phoenix kapalit ng tatlong players bago ang torneo, ang layup na nagpuwersa ng extra period bago naglista ng walo pa sa OT.
Sa dalawang free throws ni Garcia mula sa deliberate foul ni Stanley Pringle ay umangat ang Star 104-102, bago sinelyuhan ng free throw ni Mark Barroca ang panalo 7.8 seconds na lang.
“I’m happy for the guy,” ani Hotshots coach Jason Webb. “We gave up a lot to get him and tonight he played like all the three players we gave up, combined.”
Iginuhit ng Star ang unang ‘W’ sa ikatlong subok, lubog naman ang Batang Pier sa 0-3 kasama ng Phoenix.
Nagsumite ng 27 points at 12 rebounds ang bagong import ng GlobalPort na si Mike Glover.
May 27 din si Terrence Romeo, pero 9 of 23 mula sa field at naungusan ng dati niyang teammate sa FEU at sa Batang Pier na si Garcia.
Bigo rin si Romeo na agawin ang panalo sa regulation nang mawala sa kamay ang bola habang paangat ng jumper sa harap ni Garcia.
Tumapos si Marqus Blakely ng 24 points at conference high-tying 22 rebounds, may 15 points si PJ Simon tampok ang 3-pointer na nagpuwersa ng 17th deadlock sa 90-90, bago binasag ng dalawang freebies ni Glover 14.7 ticks sa regulation.
Inatake ni Garcia ang depensa ni Romeo bago pinakawalan ang tying basket na nagpuwersa ng OT.