Kung gustong huma­bol ng Star sa playoffs ng PBA Governors Cup, dapat na nilang umpisa­han ngayon.

Una sa landas ng Hotshots ang Phoenix sa u­nang game mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Sa 1-6 card ay nasa 11th ang Star, 1 ½ games sa labas ng magic eight na papasok sa quarterfinals. May apat na laro pa ang team ni coach Jason Webb.

“We still have a shot at making the playoffs and we will keep on battling until we get that ticket or that door closes,” diin ni Webb.

Nalusaw ang 17-point lead ng Star at yumuko sa Ginebra 116-103 noong Linggo.

Tulad ng Hotshots, kailangan ding ipanalo ng Fuel Masters ang huling apat na laro para maniguro sa magic circle. Kabuhol ng Phoenix ang Rain or Shine sa 7th-8th sa 3-4.

“There’s nothing more dangerous than a team fighting for its life, more so a proud team like Star,” pakli ni Phoenix coach Ariel Vanguardia. “We have to be always on our toes, constantly challenge their scorers and be on point in defending their import.”

Tinutukoy ni Vanguardia si Joel Wright, nag-a­verage ng 30 points at 17 rebounds sa tatlong laro sa Hotshots sapul nang pali­tan si Marqus Blakely.

Ibang klase rin ang pinapakita ng Phoenix, mula sa 0-3 start ay nakatatlong panalo sa apat na laro.

Balik na rin sa Fuel Masters si JC Intal, nawala bago ang season-ending tourney dahil sa bone spurs sa right ankle. Eksplosibo si import Eugene Phelps, at anumang sandali ay puwedeng mag-deliver sina Cyrus Baguio, Willy Wilson at Korean Gwan-Hee Lee.