Star sapaw sa Beer

Humugot ng monster games kina Arizona Reid at June Mar Fajardo ang San Miguel Beer para sapawan ang Star, 109-100, sa ikalawang laro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Umiskor si Reid ng 32 points at namigay ng career-high 11 assists, tumapos si Fajardo ng personal conference-best 28 points na sinahugan pa ng 13 rebounds, at nakabawi ang Beermen mula sa 105-103 setback sa Mahindra noong Miyerkules.

Sa 3-1 win-loss card, inakbayan ng SMB ang Ginebra sa No. 3 spot ng PBA Governors’ Cup.

“Every time sister teams maglaban, it’s always a war,” deklarasyon ni Beermen coach Leo Austria. “The team is on high energy unlike on our past few games. Today pinakita nila ang energy.”

Hindi kinaya ng personal conference-best din na 20 points ni James Yap na isalba ang Hotshots sa pagkakalubog sa 1-3. Tumapos si Marqus Blakely ng 15 points at 21 rebounds, pero may 10 turnovers.

Mula sa 67-47 deficit, nakabalik pa ang Star para manindak sa 88-83 mahigit 7 minutes pa sa laro. Pero nagtulungan sina Reid, Fajardo, Marcio Lassi­ter, Alex Cabagnot at Chris Ross para muling ilayo ang Beer, 104-90.