Idinepensa ng Malacañang ang patuloy na pag-iral ng state of national emergency kahit tapos na ang ipinairal na Martial Law sa buong Mindanao.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sa ilalim ng Proclamation 55 na inisyu ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte noong September 4, 2016, may kapangyarihan ito na utusan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para hadlangan o supilin ang ano mang uri ng karahasan sa rehiyon at agapang huwag kumalat sa ibang bahagi ng bansa.

Hindi aniya katulad ng Martial Law na kailangan ang go signal ng Kongreso, ang state of national emergency ay maaaring ipatupad sa pamamagitan ng utos ni Pangulong Duterte.

“Proclamation No. 55 was issued pursuant to the calling out power of the President. Specifically, it commanded the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police to undertake such measures to suppress any and all forms of lawless violence in Mindanao and to prevent the same from spreading and escalating elsewhere in the Philippines,” ani Panelo.

Ipinaliwanag ng kalihim na mahalagang maipairal pa rin ang state of national emergency para matiyak ng AFP at PNP ang kaayusan sa parte ng bansa kung saan may problema pa rin ng rebelyon at terosimo.

“As long as the President deems it necessary to prevent or suppress lawless violence, invasion, or rebellion (such as at present times), then he is lawfully authorized to resort to this calling out power,” dagdag pa ni Panelo.

Umapela naman ang Malacañang ng kooperasyon sa sambayanan, kasabay ang pagtiyak na hindi pahihintulutan ng gobyerno ang ano mang uri ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang sibil at politikal sa panahon nang pag-iral ng state of national emergency.

“The Office of the President asks the citizen for their usual cooperation, even as we assure them that the government will not allow any abuse of their fundamental civil and political rights during this state of national emergency,” wika pa ni Panelo. (Aileen taliping)