Bago matapos ang Women’s Month natin ay nais KOng magbigay-pugay sa mga poker player na Pinay. Nakausap ko kamakailan lang ang isa sa mga beteranang poker player natin mula sa Metro Card Club sa Ortigas, Pasig na si Liberty Icao.

Nagsimulang seryosohin ni Liberty ang larong poker noong 2011. Natuto siyang maglaro dahil sa impluwensiya na rin ng dati niyang kasintahan na isang bilyarista.

Marami kasing bil­yarista noong panahon na iyon ang lumipat sa poker, kabilang na ang reigning Asia Player of the Year (APOY) na si Mike “Tsoke” Takayama.

Hanggang ngayon ay iilan pa lang ang mga babae nating poker­ player na masasabi kong hindi pipi­tsugin sa mesa at isa si Liberty sa mga ito.
Maraming beses na rin siyang nagkampeon sa mga torneo sa Metro, kabilang ang isang P500K Guaranteed Event. Mahigit P1M na rin ang kinita ni Liberty mula sa international tournaments na ginanap sa ating bansa. Noong 2017 ay nanalo siya ng P236,000 mula sa isang torneo na uma­bot sa P3M ang garantisadong premyo.

Mahirap kasing basahin ang laro ni Liberty. Natural na tahimik siyang tao kaya mahirap mahuli ang takbo ng isip niya kapag naglalaro. Sa madaling salita, para siyang estatwa sa mesa. Kaya naman binansagan na natin siyang Statue of Liberty ng Philippine poker.