Dadaan sa matinding pagsubok ang San Beda, makikilatis ang Red Lions kung kaya nilang manatili sa tuktok at sungkitin ang titulo ngayong season 92 ng NCAA kahit nabawasan ang kanilang pangil.
Hindi na makakalaro si Cameroonian slotman Donald Tankoua sa mga natitirang laro ng Red Lions matapos sumiklab ang balitang nagkaroon ito ng injury sa kanang tuhod.
Kinumpirma ito nina San Beda coach Jamike Jarin at manager Jude Roque kahapon.
“We already knew last night (Friday),” wika ni Jarin.
“Yes, it’s true,” sabi naman ni Roque.
Nangyari ang insidente sa laro ng San Beda at EAC, masama ang landing ni Tankoua sa first quarter. Agad siyang inilabas sa court at hindi na nakabalik sa paglalaro.
Paniguradong mararamdaman ng Red Lions ang pagkawala ni 6-foot-6 Tankoua dahil sa kanyang impresibong numero na 16 points, 11 rebounds at 1.5 blocks per game.
Kailangan may mag-step-up sa San Beda para punan ang iniwanang trabaho ni Tankoua.
“We need effort from the whole team to make up for the absence of Donald,” ani Jarin.
Ang tanong lang ay kung sino.
Nasa unahan ng team standings ang San Beda sa 10-1 card, tangan ng Arellano U (9-2) ang pangalawang puwesto habang nasa tersero ang Perpetual Help (8-3), sunod ang Mapua (6-4), JRU (5-5), Letran (5-5) at Lyceum (5-5).
May 3-8 karta ang EAC, pangalawa sa hulihan ang San Sebastian (2-9) at sa ilalim ang Saint Benilde (0-11).