Steve Kerr batugan,Warriors wagi pa rin

Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang desisyon ni Golden State coach Steve Kerr na ipaubaya sa kanyang players ang pagku-coach ng laro nang talunin ng Warriors ang Phoenix 129-83 nitong Lunes.

Nakaupo lang sa tabi si Kerr, walang ginagawa.

Si Stephen Curry na sumubok gumawa ng play, nalito.

“I was horrible,” pag-amin ng isa sa pinaka-astig na manlalaro ng NBA sa kasalukuyan. “I thought about a play. Then I forgot about the second option. Then I had two guys in the wrong place on the board.”

Katwiran ni Kerr, gusto daw niyang maramdaman ng players kung paano ariin ang laro at ang team.

Parang paulit-ulit na lang daw ang ginagawa nila bawat laro – coach –player – coach.

Si Draymond Green (sprained left index finger) na hindi naglaro kontra Suns, pinahanga ang mga kakampi nang hawakan ang white board para magdisenyo ng play.

Alam na ni Kerr na maraming pupuna sa kanya.

May mga nagsabi ngang pambabastos daw iyon sa coaching profession, gayundin sa Suns.

“It had nothing to do with being disrespectful,” umpisang paliwanag ni Kerr. “They’re tired of my voice. I’m tired of my voice. It’s been a long haul these last few years.  I wasn’t reaching them and we just figured it’s probably a good night to pull a trick out of a hat and do something different.”

Isa sa mga siguradong hindi gagaya kay Kerr ang karibal na si Tyronn Lue ng Cleveland. Ayaw daw ni Lue na bigyan ng kasiyahan ang mga taong nagsasabing si LeBron James talaga ang nagpapatakbo sa galaw ng Cavaliers.

“I wouldn’t do that,” ani Lue, ayon kay Royce Young ng ESPN. “They already say LeBron’s coaching the team anyway, so if I give him the clipboard they’re really gonna say that.” (VE)