‘Stimulus strategy’ sa COVID crisis inilatag

Inilahad kamakailan ni House Economic Stimulus Response Cluster co-chair Rep. Joey Salceda (Albay, 2nd District) ang panukala niyang ‘Economic Stimulus Act’ kung saan nakapaloob ang mga estratehiyang binalangkas niya para sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Kasama rito ang matibay na “structural response” at mga reporma na magpapatatag sa tiwala ng mga negosyo, manggagawa at mga mamamayan sa kanilang hinaharap.

Ginawa ang paglahad ni Salceda, na siya ring chairman ng House Ways and Means Committee, sa harap ng 812 mga negosyante, tagasuri, siyentista at ‘academic experts’ sa isang ‘Webinar teleconferencing forum’ sa ZOOM app, na pinangasiwaan ng Shareholders’ Association of the Philippines.

Layunin ng ‘economic stimulus version’ ni Salceda na panatilihin ang lahat sa barko, tulungan ang mga kompanya, iahon ang ekonomiya na dulot ng lokal at pandaidigang mga ‘lockdown’ at ibalik ang mga manggagawa sa kanilang mga trabaho.

Bahagi ito ng Philippine Economic Stimulus Act (PESA) na isusulong ng House Stimulus Response Cluster, na inaasahang tutugon sa mga kailangan ng ekonomiya pagkatapos luwagan ang ‘Enhance Community Quarantine’ (ECQ) mula ngayong Mayo 2020 hanggang sa magkaroon ng mabisang gamot sa Covid 19 na inaasahang magkakaroon ng katuparan sa 2023.

“Inaasahan naming susulong ang Pilipinas mula ngayon Mayo 2020, at dahil wala pang mabisang gamot at bakuna, tanging ‘mass testing’ muna ang dahan-dahang magpapabalik sa sigla ng negosyo at lipunan, Kung walang ‘testing’ isusulong din ng ‘Modified community quarantine’ MCQ ang pagbalik sa trabaho ng mga manggagawa mula 23% hanggang 50%, ngunit mananatiling nakabalot sa takot ang tiwala ng negosyo at bayan at maaaring dumating ang ikalawang daluyong ng ‘virus’ at muling ibalik ng pamahalaan ang mga ‘lockdown’ na hindi na makakayanan ng ekonomiya at gobyerno,” ayon sa mambabatas.

Isasailalim ng PESA ang panukalang puhunan na P1.3 trilyon hanggang P1.4 trilyon ang unang taon ng ‘intervention period (2020–2022) para tulungan ang mga manggagawa at negosyo upang matugunan ang epekto ng pananalasa ng COVID-19.

Tinataya ni Salceda na isusulong ng panukalang ‘Stimulus package’ ang paglago ng Gross Domestic Product mula 2.6% ngayong taon, hanggang 5.3% sa 2023.

May P20 bilyong laan ang panukala para pambili ng mga ‘test kits’ na itinuturing na unang hakbang tungo sa pagbalik sa normal, at muling mapaandar ang ekonomiya. “Ang anumang gagawin ay dapat magsimula sa tiyak na proteksiyon ng mga manggagawa at mamamayan.

Kailangang i-test muna sila bago pumasok sa trabaho o pumunta sa pupuntahan hanggang sa magkaroon ng tunay na mabisang bakuna,” diin niya. Dapat gawing malawakan ang ‘test’ at lahat ng LGU ay dapat may suplay na ‘test kits.