STRANDED!

Stranded Passengers

Inawat kahapon ng Office of Civil Defense na bumiyahe ang libu-libong mga pasaherong galing sa bakasyon nitong Semana Santa sa iba’t ibang pantalan sa Bicol dahil sa tropical depression Crising.

Sa pagtataya ng OCD, tinatayang mahigit sa 4,000 pasahero sa mga pantalan sa Bicol ang na-stranded matapos na pigilang bumiyahe sa laot dala ng banta ng bagyong Crising.

Ayon kay Rachelle Miranda, OCD Bicol spokesperson, iniutos ang pagsuspendi ng biyahe ng lahat ng sea transportation nitong Sabado, Abril 15 dahil sa banta ni Crising sa bahagi ng Samar.

“It would be best not to proceed to seaports or your travel destinations as there would be no sea transport unless tropical cyclone warning signal (TCWS) and gale warnings are lifted,” pahayag ni Miranda.

Nauna nang inihayag­ ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa 1,000 pasahero sa ilang pantalan sa Bicol region ang stranded.

Subalit pagsapit ng alas-kuwatro ng hapon kahapon ay lumobo na ang bilang, ayon sa PCG at umakyat na sa 4,851 ang stranded na mga pasahero.

Ang pinakaraming bilang ng mga stranded ay mula sa Matnog port sa Sorsogon na nasa 590; Tabaco, 249; Bulan, 9; Pilar, 30.

Sa Camarines Sur naman ay nasa 25 ang stranded sa Pasacao habang 59 sa Guijalo.

Ang mga stranded na mga pasahero sa mga lalawigan ng Albay, Sorsogon, at Masbate ay pansamantalang tumuloy sa Philippine Ports Authority (PPA) seaport.

Pinaghandaan din ng OCD ang pagdagsa ng mga pasaherong nagbakasyon matapos ang Semana Santa kaya ang regional directors ng Bicol at Eastern Visayas regions ay nakatutok sa sitwasyon.

Samantala, anumang oras ay tatama ang mata ng tropical depression ‘Cri­sing’ sa kalupaan ng Hernani, Estern Samar, base sa pinakahuling severe weather bulletin na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Admi­nistration (PAGASA).

Sa severe weather bulleting #9 ng weather bureau na inilabas alas-singko ng hapon kahapon, ang sentro ng mahinang bagyo ay nasa layong 50 kilometro sa silangan timog-silangan ng ­Borongan City.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot sa 62 kilometro kada oras.

Dahil hindi kalakasan ang bagyo, hindi mararamdaman sa malaking bahagi ng Luzon partikular dito sa Metro Manila ang epekto ng bagyo.

Nakataas pa rin ang public storm warning signal no. 1 sa mga sumusunod: Sorsogon, Burias Island, Romblon, Masbate kabilang ang Ticao Island, Aklan, Antique, Iloilo, Capiz, Northern part ng Cebu, Northern part ng Negros Occidental, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte at Southern Leyte.