Laro ngayon (MOA Arena)
4:00 p.m. – Ateneo vs FEU

Bahagyang liyamado ang Ateneo laban sa defending champion Far Eastern University sa opener ng kanilang semifinals showdown sa Season LXXIX UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena.

Bukod sa twice-to-beat advantage, inari ng No. 2 Blue Eagles ang No.3 Tamaraws sa 14-game elimination round.

Sagupaan ng mga nasa streak at galing sa break.

Dalawang beses pinaluhod ng Ateneo ang FEU sa double-round robin elims.

Inaasahan na ganado at mainit ang Eagles mamaya dahil bitbit din nila ang six-game winning streak.

Pero ayon kay FEU coach Nash Racela, malaking bagay ang pagkakaroon ng mahabang break dahil nakapaghanda at nakapagpahinga ang kanyang koponan.

“Ok naman kami, medyo nakatulong ‘yung break para makapaghanda kami,” ani Racela.

Palagi rin pinaaalalahanan ni Racela ang mga bataan na mag-doble kayod sa ensayo para malusutan ang matatalim na kuko ng Blue Eagles.

“Sabi ko playoffs na ito kaya dapat level up tayo para makamit ‘yung gusto natin,” dagdag ng coach.

Nakaabang na sa best-of-three Finals ang top seed De La Salle University Green Archers matapos patalsikin ang makukulit na Adamson Falcons noong Miyerkules.