Street crimes bumaba sa curfew–NCRPO; Child abuse cases tumaas–DSWD

Nalinis na ang mga kalsada sa Metro Manila mula sa mga gumagala at palaboy na mga menor-de-edad dahil sa ipinatupad na curfew hours.

Nabawasan din umano ng kalahating porsiyento ang mga street crimes kabilang na rin dito ang carnapping at robbery, ayon kay Natio­nal Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Chief Supt. Oscar Albayalde.

Sinabi pa ni Albayalde na bukod sa wala nang nakikitang mga menor-de- edad na pala-gala, wala na rin nakikitang nag-iinuman sa kalsada at nagbabatuhan.

Sa buong Metro Manila aniya, nabawasan ng 50 porsiyento ang street crimes mula nang ipatupad ang curfew hours.

Binanggit din ni Albayalde ang kaso ng carnapping na wala umanong naitala nitong buwan ng Hulyo partikular sa bahagi ng Quezon City na madalas magkaroon ng ganitong insidente.

Naging maganda at positibo rin umano ang reaksyon ng mga magulang sa pagpapatupad ng curfew na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw para sa mga edad na 18-anyos pababa.

Samantala, iba naman ang ulat mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ukol sa pagtaas umano ng kaso ng child abuse sa bansa.

Ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo, pumalo ng mahigit 2,000 ang naitalang child abuse cases sa unang quarter pa lamang ng taong ito kumpara sa mahigit 4,000 kaso noong 2015.

Sa unang tatlong buwan pa lamang umano ng taon ay nakapagtala na ng 539 kaso ng sexual abuse sa mga kabataan, 514 child neglects, 418 abandonments, 233 sexual exploitation at 214 child trafficking cases.

Dahil dito, tiniyak ni Taguiwalo ang pagpapaigting sa mga programa para mapababa ang bilang ng child abuse ca­ses o tuluyan itong mabura kaya’t nanawagan ang Kalihim sa mga komunidad na makipagtulungan sa DSWD.