Dear FURRever FURRiends:

Ang ating topic ngayon ay pets at Mental Health. Nakapanayam ko si Dr. Ron Elepano III, Pyschiatrist at PRO ng Alzheimer’s Disease Association of the Philippines. Siya rin ay nagmamayari ng isang Sulcata Tortoise na pinangalanan niyang “Pong”.

Naniniwala si Dr. Ron na maganda para sa mental health ng tao ang pagkakaroon ng pet. Ayon sa kanya, “Marahil ito ay dahil sa supporta na nakukuha nila sa pets. Ang mga pets ay sensitibo sa mga pangangailangan ng kanilang amo.”

Dagdag pa niya, “Nakakatulong din sila na maka-distract sa problema ng kanilang amo; ito ay sa pamamagitan ng pag-alaga sa kanila.”

Maraming tao ang nakaranas ng stress at anxiety nitong nakaraan na Quarantine sapagka’t hindi sila nakakalabas ng bahay at natatakot pa sila sa Covid-19. Dahil dito, napansin ni Dr. Ron, na ang mga taong wala pang Mental Health problems ay nagsimulang magkaroon ng reaction-sikolohikal.

“Ito ay maaring nerbyos, lungkot, takot, galit, hirap sa pagtulog, kawalan ng gana sa pagkain, mga iba’t ibang pisikal na sintomas, at marami pang iba. Mainam na masuportahan ang mga taong may ganitong nararamdaman.”

Dagdag niya, “Nakatutulong ang mga pets sa pamamagitan ng natural na pampakalmang presence nila. Yung simpleng paghimas o pag-akap sa mga pets ay maaring maka-relaks sa mga tao na may pinagdadaanan. Lalo na ngayon na kinakailangan ng physical distancing. Dahil diyan, tayo ay uhaw sa ‘physical affection,’ pero ito ay maaring maibigay ng mga pets.”

Ibig sabihin nito, mga Petmalu, kung kayo ay nakakaramdam ng pagkabalisa, yakapin niyo lang si Tagpi o si Muning! Ayon kay Dr. Ron, “Sa mga pag-aaral, nakita na yung pag-yakap ay nakakapag-release ng Oxytocin, isang chemical sa ating katawan na nakaka-kalma at nakakapagbigay-saya sa atin. Kahit na pets ang yinayakap, ganuon din ang epekto nito.”

Ang isa pang maaring gawin kapag nakakaranas kayo ng matinding kalungkutan ay ang pakikipag-usap sa inyong alaga! Huwag po kayong mag-alala, hindi ito senyales ng kabaliwan. Marami pong tao ang nakikipagusap sa kanilang mga pets.

Ayon kay Dr. Ron, “Normal na gawain ng mga may alagang pets yung kinakausap sila. Unless dala ito ng sakit sa isip kaya sila nakikipagusap, dun lamang sya nagiging problema.”

Kung tutuusin, dapat talagang kausapin natin ang ating mga alaga dahil nakakaintindi sila ng emosyon batay sa tinig ng boses natin.

Sa sususnod na linggo, tatalakayin naman natin ang mga benepisyo sa mga bata at senior citizen ng pagkakaroon ng pets.
Nagmamahal,
Joyce