Darating ang araw na ang Metro Manila ay hindi na maaaring tirahan o iiwasan puntahan ng mga Filipino kasama na ang mga dayuhang turista dahil sandamukal na ang problema.

Tama ang ilang kongresista na stressful ang manirahan sa Pilipinas dahil sa tindi ng problema sa trapiko na para bang wala nang katapusan at umiinit ang ulo ng lahat…sa kapwa at sa gobyerno.

Mas lalong anaconda ang laki ng problema ng trapiko sa Metro Manila kapag umuulan dahil wala nang galawan ng mga sasakyan sa kalsada. Malas mo kapag naipit ka dahil ibig sabihin niyan, mahina ang tatlong oras na masasayang sa iyo.

Hindi lang ang mga motorista kundi ang mga negosyo ang apektado dahil papaano papasukin ng mga costumer ang mga establisimiyento kung nasa gitna sila ng kalsada at walang magawa kundi maawa sa sarili?

Taun-taon na nating nararanasan ang problema sa baha pero bakit tila walang katapusan?

Araw-araw na nating nararanasan ang problem sa trapik bakit parang walang solusyon?

Kahit yata sino ang iluklok mo sa Palasyo ng Malacañang walang mailatag na solusyon sa mga problemang ito. Hindi ba noon panahon nina Gloria at Noynoy Aquino sa Palasyo eto ang isa sa mga ibinabatikos sa kanila?

Ngayong panahon na ni Pangulong Digong, ganu’n pa rin ang problema kaya humihingi sila ng emergency power para solusyunan ang problema. Ibig lang sabihin, hindi nila kayang resolbahin ang mga problemang ito sa kapangyarihang mayroon sila ngayon kaya humihingi ng dagdag na kapangyarihan.

Pero habang pinag-iisipan pa ng Senado at Kongreso ang pagbibigay ng E-power kay Digong, dapat may ginagawang aksyon ang gobyerno para maresolba ang problemang ito na matagal nang pumepeste sa mga nakatira sa Metro Manila.

Kung hindi masolusyunan ang mga problemang ito, gayahin na ang ibang bansa tulad ng Thailand na inilabas sa lungsod ang kanilang national government o national offices.

Kung ayaw ng mga negosyante lalo na ang mga may pabrika, naglalakihang prabika, na umalis ng Metro Manila iwanan na sila rito at ang gobyerno na lang ang dapat umalis para lumuwag.

Maraming maluluwang na lupain pa sa Pampanga ang puwedeng paglagyan ng mga national offices kung gugustuhin ng gobyerno para mabawasan ang mga tao sa Metro Manila.

Hangga’t hindi nakontrol kasi ang pagdami ng mga tao sa Metro Manila, ang mga problemang ito ay lalala pa dahil habang tumatagal, dumarami ang mga tao at ang kasunod niyan, dadami ang mga sasakyan, dadami ang mga taong magtatapon ng basura na magpapabara sa mga estero at kanal.

Bukod sa mga anak ng mga taga-Manila na parami na rin nang parami, dumarami rin ang mga taga-probinsya na nagtutungo rito para makipagsapalaran. Bakit? Dahil walang oportunidad sa mga lalawigan.

Pero kung gumamit ng political will ang gobyerno at obligahin ang lahat ng mga malalaking pabrika sa Metro Manila na ilipat ang kanilang mga negosyo sa mga lalawigan, baka makatulong para makahinga naman ang Metro Manila. (dpa_btaguinod@yahoo.com)

2 Responses

  1. Onli in da Pilipins: 1) na matatagpuan ang naglalakihan at dambuhang shopping malls sa mga pangunahing pampublikong lansangan (national roads, highways); 2) na ang mga tricyle ay naglipana sa national road, highways); 3) na hindi sinusunod ng mga pedestrian ang tamang tawiran; 4) na ginagawang parking lot at terminal ng mga jeepney at bus ang mga pampublikong lansangan, ang katwiran nila naghahanapbuhay sila; 5) ang mga pedestrian sa kalsada naglalakad dahil sinakop na ng mga vendors and pedestrian lanes; 6) WALANG DISIPLINA ANG LAHAT: MOTORISTA, PUBLIKO. Tungkol po sa No. 1, sa itaas, tutuo pong sa Pilipinas ka lamang makakakita ng mga malls sa ating mga pangunahing lansangan at highway katulad ng EDSA. Kung kayo po ang nakapangibang bansa na, wala kayong makikitang ganitong sitwasyon kundi dito lang sa Pilipinas nating mahal. Mantakin ninyo ang perwisyong dulot ng mga malls na iyan sa sanay maluwag na daloy ng trapiko. Tingnan nyo ang EDSA: ilang SM mall at Ayala mall ang nandiriyan? Kapag may mall, siguradong barado ang kalsada. Walang tamang regulasyos sa pagpapatayo ng mga komersal na establisyamento dito sa ating bansa, kaya ayan magdusa tayong lahat!

  2. ang paghanap ng solusyon sa trapiko ay dapat i-base sa pinanggagalingan ng problema.

    nuong araw, kahit na maliit ang kalsada ay tuloy-tuloy ang daloy ng trapiko, dahil sa kakaunti lang ang mga sasakyan. pero ngayon kahit sabihin pa na naging malawak na ang kalsada (tulad ng SLEX, NLEX, C5, atbp), ay sandamukal naman ang dami ng sasakyan na pumapasada (private at pampasahero) kaya nagsisikip ang daloy ng trapiko.

    ihalintulad natin ang isang pitsel na tubig at isalin lahat ito sa isang maliit na baso.
    ang isang pitsel na tubig ang siyang tumatayong sasakyan at ang kalsada naman ay ang baso.!!!
    imaginin nating mabuti kung posible bang magkasya ang isang pitsel na tubig at isalin itong lahat sa isang salinan lang sa isang maliit na baso? di ba aapaw?

    ang pwedeng solusyon:
    > bawasan o limitahan ang sasakyan sa lugar ng pinagmumulang ng trapik (ngunit papaano gagawin ng hindi magkakaroon ng conflict o kontrobesya sa mamamayan?)
    > kahit anu pang expansion o extention ang gawin sa kalsada, ngunit panay naman ang dami ng sasakyan ang bumibiyahe, ganuon at ganuon din ang magiging kalalabasan, nanduon pa rin ang problema (pwedeng temporary solusyon lang pero babalik at babalik din ang problema)