Binalot muna ng tuwalyang puti ang ulo, bago isinupot sa isang eco bag, saka sunud-sunod na binaril sa likod ng ulo ang isang student driver na nagresulta sa kanyang agarang kamata­yan sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Nabatid sa ulat ng pulisya na alas-10:15 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Aladin Guiambangan, nasa 20- hanggang 25-anyos, at residente ng Block 10, Lot 6, Baseco Compound, Port Area, Maynila sa pamamagitan ng nakuha sa kanyang student permit mula sa Land Transportation Office (LTO).

Ang bangkay ng biktima na pinaniniwalaang nilikida ng hindi pa nakikilalang suspek sa ilalim ng tulay ng Vitas Bridge sa Tondo.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section na nakarinig umano ng limang magkakasunod na putok sa pagitan ng 10 hanggang 10:15 ng gabi ang isang Vivian Claro sa ilalim ng Vitas Bridge sa Tondo.

Ayon kay Claro, natutulog na sila ng kanyang asawa sa kanilang barung-barong nang makarinig sila ng limang putok ng baril mula sa ‘di kalayuan.

Sumilip umano siya para alamin kung ano ang nangyari pero wala siyang maaninag dahil sa madilim na paligid.

Maya-maya ay may dumaan umanong isang taxi sa lugar at dahil sa ilaw ng headlight nito ay naani­nag nila ang katawan ng biktima sa ilalim ng tulay.

Pinuntahan umano ito ni Claro upang beripikahin at nang makumpirmang tao ang nakahandusay ay kaagad na nilang ini-report sa pulis­ya ang nakita.

Ayon sa pulisya posibleng biktima ng salvage si Guiambangan na dinukot muna saka dinala sa naturang lugar para patayin.

Samantala, inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay gayundin ang pagkakakilalan ng mga salarin.

One Response