Basag ang ulo at dead on-the-spot ang isang estudyante matapos bumangga sa konkretong plant box ang sinasakyang motorsiklo sa national highway ng Tuao, Cagayan noong Sabado.

Kinilala ni Tuao Police Station (TPS) investigator P/SSgt. Wilson Pascua, ang biktimang si Jose Fernando, 18, ng Brgy. Manag, Conner, Apayao.

Sa imbestigasiyon, ayon sa Pascua, papauwi na umano ang biktima sa kanilang bahay sa Tuao lulan ng kanyang motorsiklo nang mangyari ang insidente.

Sinabi ng TPS na nang marating ng biktima ang pakurbadang bahagi ng daan sa Brgy. Centro 1, Tuao, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang biktima na sanhi ng kanyang pagkabangga sa konkretong plant box.

Tumama umano ang ulo ng biktima at nabiyak ito sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Nabatid na nasa impluwensiya umano ng alak ang biktima nang mangyari ang insidente.

Hindi umano suot ng biktima ang kanyang helmet nang mangyari ang insidente kundi nakasabit ito sa kanyang siko. (Allan Bergonia)