Style n’yo bulok!

punto-de-oro-box Gani Oro

Mahirap paniwalaan ang alibi ng dalawang deputy commissioners ng Bureau of Immigration (BI) na nahuli sa CCTV camera na tumanggap ng P50 milyong suhol mula sa umano ay bagman ng online gambling tycoon na si Jack Lam na sila ay na-frame-up o na set-up lamang.

Limpak-limpak na mil­yones na galing umano­ kay Jack Lam ang iniharap sa media ng dalawang opisyal ng Bureau of Immigration na sina Associate Commissioners Al Argosino at Mike Robles. Pareho silang abogado at ka-brod pa nina Pangulong Duterte at Secretary Aguirre sa San Beda.

Tinanggap umano nila at itinago ang pera bilang ebidensya. Naku! Palusot na lang ito kasi nabuking na. Style n’yo, bulok!

Kung gustong ilantad ang panunuhol sa kanila, bakit hindi sila nagkasa ng entrapment?

Pagkatapos ay nagsama sana sila ng media para maging testigo?

Ang dalawang BI ­officials ay idiniin ng isang retiradong police officer na si Wally Sombero na tumanggap ng P50 milyon para mapalaya ang 600 Chinese nationals na iligal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark, Pampanga na pag-aari ni Macau-base gambling tycoon Jack Lam.

Ayon pa rin sa retiradong police official, maski si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II at Pagcor Chairman Andrea Domingo ay tinangkang suhulan ni Lam ng P100 milyon buwan-buwan.

Gagawin daw ‘ninong’ si Aguirre ng gambling tycoon.

Ayon naman kay Sec. Vitaliano Aguirre, nakausap niya sina Argosino at Robles na nagtungo sa kanyang tanggapan para ihain ang kanilang 30 days na leave of absence.

“Nakausap ko ang dalawang commissioners, na-framed-up daw sila, magsasampa daw sila ng kaso ngayon sa maraming iba pang involved,” ani Aguirre.

Kabilang umano sa ikinanta ng dalawang opisyal ay si Acting BI Intelligence Chief Police Director Charles Calima Jr. Ayan na nga po, nagkakadamay-damay na!

Matatandaan na ibinun­yag mismo ni Secretary Aguirre na may nag-alok umano ng P200,000 para palayain lamang ang bawat isa sa 1,316 na Chinese na naaresto kamakailan sa isang Casino sa Clark, Pampanga kamakailan.

Ang raid sa Fontana ang pinakamalaking ope­rasyon at pag-aresto sa mga illegal aliens sa bansa. May malaking misteryo sa transaksyong ito. Bukod sa dalawang opis­yal, sinu-sino pa kayang malalaking tao ang ­kasangkot sa multi-milyong suhulan?