Subic Airport, kinahoy?

Natuklasan ng isang senador na ‘kinahoy’ ang mga equipment sa Subic International Airport kung kaya’t nais niya itong paimbestigahan.

Sinabi ni Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, paiimbestigahan niya ang pagkawala ng mahahalagang equipment sa Subic Airport upang malaman kung saan ito napunta.

“Kahit na inilipat yun sa NAIA, mali pa rin ‘yun. Hindi tuloy magamit ngayon ang Subic Airport,” sambit ni Gordon na dating chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Iginiit pa ng senador na dapat may managot kung sino ang mga sangkot sa mga nawawalang kagamitan sa naturang paliparan at makagawa ng batas upang hindi na maulit ang pangyayari.