Pinalawig ng Civil Service Commission (CSC) ng hanggang June 30 ngayong taon ang deadline para sa pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Ito ang inianunsiyo ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles batay sa inilabas na Public Memorandum Circular ng CSC.
Batay sa memorandum, 60 araw ang ibinigay na extension para sa lahat ng empleyado at opisyal ng gobyerno para maisumite ang kanilang SALN.
“Nag-issue na po ang Civil Service Commission ng Memorandum Circular na binibigyan ang opisyal at empleyado ng additional 60 days o hanggang June 30 para i-file ang kanilang SALN,” ani Nograles.
Ang SALN ay taunang isinusumite ng mga taga-gobyerno na nagsasaad sa kanilang yaman at ari-arian alinsunod sa itinatakdang polisiya ng pamahalaan.
Maituturing na major offense ang hindi paghahain ng SALN na maaaring maging dahilan para matanggal sa serbisyo ang isang kawani o opisyal ng gobyerno.