Ngayong papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan, ay may paalala na rin si Sen. Bam Aquino sa mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan na bantayan ang posibleng pagkalat na naman ng substandard na Christmas lights at iba pang produkto na naglalagay sa panganib sa mamimili.

“Dahil malapit na naman ang panahon ng Kapaskuhan, asahan na ang pagdagsa ng mga produktong depektibo na maaaring magdulot ng panganib sa ating mga mamimili, gaya na lang ng hindi sertipikadong Christmas lights,” ayon pa kay Aquino na ­dating chairman ng committee on trade and commerce and Entrepreneurship.

Dahil dito, ayon sa ­senador, mahalagang ngayon pa lamang ay masusi nang bantayan ng mga kinaukulang ahensiya ang naturang produkto bago tuluyang mabiktima at malagay sa panganib ang mga mamimili.

“Ngayon pa lang, kailangan nang bantayan ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga nasabing produkto upang hindi na makarating pa sa ating mga mamimili,” ayon pa rin sa senador.

Umapela pa rin ang senador sa mga negosyante na maging responsable sa pagbebenta ng produkto at sumunod sa itinakdang suggested retail price ng department of Trade Industry (DTI).

Halos taun-taon ay naka­kakumpiska ang DTI ng kahun-kahong substandard Christmas lights sa Divisoria at Dapitan.