Hindi pa man natatapos ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drug trade, pinuntirya na rin ni Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang mga naglipanang operasyon ng mga iligal na pasugalan sa bansa.
Sa isang talumpati ni dela Rosa, matigas nitong binalaan ang mga pulis na mahaharap sa karampatang parusa sakaling mapatunayang nagsisilbing protektor ang mga ito ng mga iligal na sugal sa kanilang hurisdiksyon.
“Binabalaan ko ang lahat ng kapulisan na itigil na ang pagtanggap ng bribe money mula sa illegal gambling lords o operators sa bansa,” pahayag pa ng PNP chief.
Ibinunyag din ni Dela Rosa na minsan nang tinangka siyang suhulan ng milyun-milyong halaga ng pera ng ilang illegal gambling lords na naka-base sa Luzon subalit hindi niya ito pinagbigyan.
“Paalala sakin ni Presidente (Rodrigo Duterte) na iwasang tumanggap ng protection money dahil kapag ito ay nangyari, parang nakatali na ang aking mga kamay at hindi na makakagalaw upang labanan ang illegal gambling operation sa bansa,” wika ni dela Rosa.
Dito, binantaan ng PNP chief ang lahat ng mga pulis na huwag magkakamaling madala sa tukso upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang propesyon.
Ang babala ni Dela Rosa ay naganap sa gitna ng patuloy pa rin na kampanya ng administrasyong Duterte laban sa illegal drug trade sa bansa na lalong naging kontrobersyal makaraang pangalanan nito ang mga hukom, local government officials at mga law enforcement officers na sangkot umano sa kalakaran ng droga sa bansa.