Walang buhay na bumulagta sa kalsada ang 63-anyos na lolo na kila­lang sugapa sa alak, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni PO3 Michael Marragun ng Manila Police District-Homicide ang biktima sa alyas na Mang Tisoy, helper, nakasuot ng camouflage na t-shirt, gray na jacket, brown na short pants at walang permanenteng tahanan.

Dakong alas-singko ng madaling-araw nang makitang bumulagta ang biktima sa may kahabaan ng Aguirre St., Tondo, Maynila.

Sa impormasyong nakuha, madalas nakikitang nakikipag-inuman ng alak ang biktima at dahil walang permanenteng inuuwian at kung saan-saang lugar na lamang ito natutulog.

Nabatid kay Marcos Canlas, 41, vendor, nakita niyang humiga sa lugar ang biktima pero nang lapitan ay natuklasan niya na hindi na ito humihinga dahilan para ipagbigay alam sa pulisya.

Dinala ang bangkay sa Arch Angel Funeral para sa awtopsiya at safekeeping.