Pilipino ang isa sa mga suicide bomber sa naganap na dalawang pagpapasabog sa 1st Combat Brigade Team ng Philippine Army sa Indanan, Sulu noong nakaraang Biyernes.

Ito ang kinumpirma ni Western Mindanao Command (Westmincom) Commander Major General Cirilito Sobejana kahapon matapos kilalanin ng isang nanay na anak niya ang isa sa suspek na nagpasabog sa nasabing military camp.

Kinilala ni Sobejana ang suspek na si Norman Lasuca, 23-anyos, tubong Jolo, Sulu.

Positibong kinilala si Lasuca ng kaniyang ina na si Vilma nang makipag-ugnayan ito sa militar para kunin ang ulo ng kaniyang anak na tanging natira matapos ang ginawa nitong pagpasabog.

Kuwento ni Gng. Vilma, 2014 pa nila huling nakita ang anak na si Norman at ngayon lang muli nila ito nakita subalit wala nang buhay

Batay sa impormasyon, sinabi ni Sobejana na si Lasuca ay miyembro ng Abu Sayyaf Group sa ilalim ni Hatib Sadjan Sawadjaan

Samantala, sinabi ni Sobejana na bagama’t wala pang malinaw na pagkakakilanlan hinggil sa isa pang suspek sa pagsabog, sinasabing mukha itong caucasian at posibleng anak ng Morrocan national na nasa likod naman ng madugong Lamitan bombing noong isang taon.

Matatandaang bago magtanghali noong Biyernes, Hunyo 28 ay dala­wang pagsabog ang naganap sa nasabing mili­tary camp na matatagpuan sa Barangay Tanjung ng nabatid na bayan kung saan walo ang napatay kasama ang tatlong sundalo, habang 12 iba pa sugatan kabilang sa mga ito ang siyam na sundalo. (Edwin Balasa)