Naglaslas muna sa kaliwang pulso at ginamit ang dugo mula rito sa paggawa ng suicide note, bago nagbigti ang isang truck helper matapos mabigong mahikayat na bumalik sa kanya ang dating kinakasama, kahapon ng umaga sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Tondo, Maynila.
Isinulat sa dingding ng biktimang si Edmark Vicente, 23, taga-1622 Felix de Leon St., Tondo, Maynila sa pamamagitan ng kanyang dugo ang pamamaalam sa kinakasamang si Jean Gadon.
“I love you to all loving me and I’m sorry, I’m give up my self,” eksaktong pagkasulat ng madamdaming suicide note.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-homicide section, dakong alas-siyete ng umaga nang madiskubre ang pagpapakamatay ng biktima.
Nakuha pa malapit sa bangkay nito ang isa pang suicide note na may nakasulat namang, “Ang kirot dapat mefenamic ang inumin, Jean Gadon. Paalam na. Ingat ka na lang palagi. Super Mahal Kita. Sana tumagal kayo ng bago mo. Nagmamahal. asawa ko”.
Sa impormasyon nakuha ni Bautista, nabatid na mahigit isang taon umanong nagsama sa iisang bubong ang biktima at dating ka-live in hanggang mag-away at tuluyang umuwi si Gadon sa kanyang pamilya sa Cavite.
Nabatid na noong Agosto 16, pinuntahan umano ng biktima ang kinakasama para suyuin at yayain na muling makisamang sa kanya, pero tumanggi ito at hindi na sumama sa biktima.
Mula noon ay naging malulungkutin at palaging nagkukulong na sa kanyang kuwarto ang biktima hanggang sa madiskubre ng isa niyang kapitbahay ang ginawa nitong pagpapakamatay.