Isang malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ng pulisya kaugnay sa umano’y pagpa­patiwakal ng isang mangi­ngisda sa bangkang kanyang ginagamit sa pangi­ngisda sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Richard Blancaflor, 25, ng M. Naval Street, Barangay Daang Hari ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, alas-otso ng gabi nang madiskubre ng kapwa ­niya mangingisdang si Jester Agana, 28, ang wala­ nang buhay na biktima habang nakabigti sa bangkang Princess Sybelle­ na noon ay hindi pa nakakadaong at nasa gitna ng laot na sakop ng Barangay­ Daanghari ng nasabi pa ring lungsod.

Ayon kay Supt. ­Bernabe Embile ay napag-alaman umanong bago ang insidente ganap na alas-sais ng gabi ay nakita­ pa umano sa pampang ng ilang kapwa nito mangi­ngisda habang sakay ng bangka ang biktima na humihithit umano ng solvent.

Ilang sandali lang umano ay pumalaot ang biktima at doon na siya huling nakitang buhay, palaisipan ngayon sa mga kaanak ng biktima ang ­posibleng dahilan kung bakit nagpatiwakal ang biktima dahil hindi naman umano nila ito nakitaan ng senyales na nalulungkot o may mabigat na dina­dala sa kanyang kalooban.