Pahabol sa mga kagaya kong ina ng tahanan na nagdiwang kahapon ng “Mother’s Day,” saludo ako sa bawat isa sa inyo.
Tunay ngang napakabigat ng papel sa bawat pamilya nating mga ina kaya dapat lang isini-celebrate ang espesyal na araw na ito.
Sa paggunita kahapon ng Mother’s Day ay kani-kaniyang istilo ng paggunita ang ginawa ng bawat pamilya.
Mayroong mga nag-outing, may lumabas kasama ang buong pamilya, mayroon namang nag-date lang ang mag-asawa at kung anu-ano pang makabagong paraan ng pagdiriwang ng Mother’s Day.
Pero kahit sa papaanong paraan niyo pa ito ipinagdiwang, ang mahalaga ay inyo itong naalala, inyong nai-celebrate kasama ang inyong mga pinakamamahal na nanay, inay, mommy, mama at kung anuman ang inyong tawag sa kanila.
Kaya naman sang-ayon ang inyong lingkod sa apela ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine (CBCP) na magpasalamat sa ating mga ina.
Huwag dapat kalimutan ng mga anak ang pagsasakripisyo sa buhay na ginagawa ng kanilang mga ina, lalo na ang mga inang overseas Filipino workers (OFWs) na matinding pangungulila ang dinaranas pero binabalewala ang lahat ng ito mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Kaya dapat ay binibigyang halaga ng mga anak ang sakripisyo ng kanilang mga magulang, lalo na ng kanilang mga nanay na hindi talaga dapat na nangingibang bansa at dapat ay nasa tabi lamang ng kanilang mga anak pero dahil sa kawalan ng oportunidad sa ating bansa at mas madiskarte kina tatay ay sila ang nangingibang bansa para kumayod.
Ang ganitong klaseng sakripisyo ay dapat na sinusuklian ng kanilang mga supling. Sa papaanong paraan?
Simple lang at ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti na siyang pangunahing dahilan kaya nag-a-abroad sina nanay at tatay ay para may pantustos kayo sa pag-aaral.
Kaya sana tumutok sa pag-aaral at huwag bigyan ng kunsumisyon sina nanay at tatay pagdating sa pag-aaral dahil iyan na lamang ang inyong trabaho ang mag-aral ng mabuti para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan na pinapangarap ng inyong mga magulang.
Pero siyempre bago ito dapat ay inalala n’yo rin ang inyong mga inang nasa abroad nitong Mother’s Day.
Nabati niyo na ba sila? Sana ay nagawa niyo ito, dahil isang tawag, text message o mensahe sa messenger o sa social media ay ngiti ang katumbas nito sa ating mga Nanay.