Sa pangalawang pagkakataon, muling ipagpapaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election kaya siguradong magpipista na ang mga incumbent barangay officials.
Wala namang nakaupong SK official kaya yung mga barangay officials lang ang magsasaya dahil una, hindi na sila kailangan gumastos sa kampanya para manalo ulit at tuloy siyempre ang sahod nila.
Isang kembot na lang kasi ay maisasakatuparan na ang Barangay at SK election postponement dahil nakalusot na sa committee level o sa House committee on suffrage and electoral reform ang nasabing panukala.
Dapat noong Oktubre 2016 nagkaroon ng barangay election pero ipinagpaliban ito dahil katatapos lang ang Presidential, National at Local Election noong Mayo 2016.
Hindi pa kasi nakapagpahinga sa gastos ang mga pulitiko dahil sa totoo lang, sila ang tinatakbuhan ng mga kandidato sa barangay election para tulungan sila sa gastos kaya maraming natuwa na ipinagpaliban ang eleksyon noong nakaraang taon. Walang aamin nyan pero yan ang katotohanan sa baba.
Kahit yung mga non-politicians ay hihingan ng tulong ng mga kandidato para yung mga angkan nila ay sa kanya iboboto. Pami-pamilya kasi ang nililigawan ng mga kandidato sa barangay.
Naka-isang taong extention ang mga incumbent barangay officials at madadagdagan pa ito ng isang taon sa kanilang panunungkulan dahil malamang na walang mangyayaring eleksyon sa Oktubre dahil gagawin na lang daw ito sa Mayo 2018.
Ang punto ko dito, sana naman ay gawin na ng mga barangay officials ang kanilang tungkulin dahil alam nyo ba, may mga report na may mga barangay officials ang nangangampanya na noong isang taon pa.
Akala kasi nila matutuloy na ang eleksyon kaya sa mga probinsya, nagpaparamdam na sila sa kanilang mga constituent at yung iba naman, eh pinagsasabihan ang kanilang mga ka-barangay ng “o ayan ha, tinutulungan ko kayo” kapag lalapit sa kanila para magpapirma ng papeles.
Para bang sinasabi nila na “hoy, tinutulungan ko kayo kaya huwag nyo akong kalimutan sa eleksyon”. Hindi direkta, pero nagpapaalala na sila at isang uri na ito ng pangangampanya.
May mga barangay officials naman ang wala naman talagang ginagawa. Tingnan mo dito na lamang sa Metro Manila, kilala ba ng mga tao ang kanilang chairman? Parang bihira sa mga tao na alam ang mukha ng kanilang chairman.
Hindi kasi lumalabas ang mga barangay chairmen, karamihan sa kanila, kaya yung mga bagong residente sa barangay nila ay hindi sila kilala. Walang ipinag-iba sa mga regular politicians na nag-iikot lang kapag oras na ng halalan.
Isa sa mga pruweba na karamihan sa mga barangay officials sa Metro Manila ay hindi nagtatrabaho, marumi ang kanilang barangay, talamak ang illegal parking, maraming adik at pasaway na residente.
Sana naman, ngayong sigurado nang extended ang kanilang panunungkulan eh suklian naman nila ng totoong serbisyo at magtulungan sila para linisin ang kanilang hanay dahil mismong ang Pangulo ng bansa ang nagsasabi na 40% sa mga barangay officials ay sangkot sa ilegal na droga. (dpa_btaguinod@yahoo.com)