Wala sa lineup si LeBron James, sadsad sa pampitong sunod na laro ang Los Angeles Lakers nang biktimahin din ng Detroit Pistons 111-97 Biyernes ng gabi.
Nasa 11th ng Western Conference ang Lakers (31-38), halos wala nang pag-asang humabol sa playoffs.
Tinapyasan na ang playing minutes ni James, tumatagal siya ng kulang 34 sa huling apat na laro. Pero ang laro kontra Detroit ang una niyang pagliban sa buong game sapul noong Feb. 2.
Ipinahinga si James matapos umiskor ng 29 sa 111-98 loss sa Toronto noong Huwebes.
Wala rin sa Lakers sina Lonzo Ball (left ankle), Tyson Chandler (neck) at Brandon Ingram (right arm). Iniinda pa ni Josh Hart ang nananakit na kanang tuhod.
Nagsumite si Langston Galloway ng 23 points sa Pistons (35-33) na kumakapit sa sixth sa East.
Nagdagdag pa si Reggie Jackson ng 20 points, 5 rebounds at 5 assists, nambarako ng 19 points at 23 rebounds si Andre Drummond sa Detroit. May 15 points at 9 assists si Blake Griffin.
Pinamunuan ng 20 points, 13 rebounds at 3 blocks ni JaVale McGee ang Lakers, umayuda ng 17 points si Kentavious Caldwell-Pope. Tumapos ng 15 points, 8 rebounds at 7 assists si Rajon Rondo.