Sulpicio Lines bawal magsakay ng pasahero — CA

Kinatigan ng Court of Appeals (CA), ang naging ruling ng Maritime Industry Authority (Marina) noong 2015 na nagbawal sa Sulpicio Lines Inc. (SLI) na makapagsakay ng mga pasahero.

Sa limang pahinang resolusyon, isinulat noong Hunyo 6 ni Associate­ Justice Pablito Perez ng Eleventh Division ng CA, ibinasura nito ang petisyon ng SLI na kilala na ngayon bilang Philippine Span Asia Carrier Corporation na humihiling na baligtarin ang ruling ng Marina.

Ipinaliwanag ng CA na dapat na ang ginawa ng SLI ay umapela muna sa Office of the President kaugnay sa desisyon at resolusyon ng Marina board.

“SLI’s failure to appeal to the Office of the President before filing the instant petition before this Court is a premature invocation of the Court’s intervention, thus denies SLI a cause of action for judicial relief. Direct recourse to this Court, when administrative remedies are still available for SLI, is a ground for the dismissal of the petition,” paliwanag ng CA .

Nag-ugat ang ruling ng Marina dahil sa reklamo ng mga kaanak ng mga biktima ng lumubog na M/V Princess of the Stars, sa Sibuyan Island, Romblon noong Hunyo 2008 sa kasagsagan ng bagyong Frank.
Maritime Industry Authority
Sa naturang trahedya, 200 katao ang nasawi habang may 500 ang nawala.