Sugatan ang isang crew ng fishing boat matapos itong barilin ng isang kasamahan na kanyang pinagalitan at tinadyakan umano habang nasa karagatan ng Sulu province.

Nakilala ang biktimang si Niño Danoso, 37, residente ng Murcia sa Negros Occidental, at 3rd mate ng Lourdes Fishing Company. Binaril umano ito sa sikmura ni Israel Pegente, 31, na tubong-Zamboanga City.

Tulong-tulong na hinuli ng ibang mga crewman si Israel matapos ang insidente at nabawi ang sumpak o homemade shotgun na ginamit nito.

Agad namang naglayag pabalik ng Zamboanga ang fishing boat at dinala sa pagamutan ang biktima. Naisuko na rin sa pulisya ang suspek at nga­yon ay nahaharap sa kasong kriminal.