Nasawi ang isang obrero na suma-sideline sa pagbebenta ng ilegal na droga makaraang manlaban sa mga aarestong tauhan ng Manila Police District-Police Station 6, kahapon ng mada­ling-araw sa Sta. Ana, Maynila.

Hindi na umabot nang buhay sa Sta. Ana Hospital ang suspek na si Romeo Bagunas alyas Lilet, construction worker at taga-2505 Road 8, Punta, Sta. Ana, Maynila dahil sa tama ng bala sa katawan.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Charles John Duran, dakong alas-2:20 ng madaling-araw nang naganap ang insidente malapit sa bahay ng suspek.

Ikinasa ang buy-bust operation matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng ipinagbabawal na droga ang suspek.

Umaktong poseur buyer si PO2 Jesus Falo ng Station Drug Enforcement Team ng MPD-Station 6 at habang ka-transaksiyon ang suspek, nakatunog ito na pulis ang kausap dahilan para maglabas ng baril pero naunahan at napatay ng pulis.