Sumablay sa tao, aso ang pinatay

Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng 35-anyos na lalaki nang pagtripang barilin ang isang aso matapos sumablay sa pagbaril sa isang tao sa Bacoor City, Cavite.

Kasong Attempted Murder, Illegal Discharge of Firearm, Alarm and Scandal, paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms) at RA 8485 (Animal Welfare Act of 1998) ang isinampa laban sa suspek na si Alison Sarip, tubong Marawi, dahil sa reklamo ni Robert De Leon, 46, isang jeepney driver ng Camia St., Brgy. Zapote 1, Bacoor City, Cavite.

Sa ulat ni PCpl. Fidel Querijero III, ng Bacoor City Police Station, naunang inireklamo ang suspek ng kanyang mga kapitbahay dahil sa pagwawala at pagpapaputok ng baril sa Brgy. Zapote 1, sakop ng Bacoor City Cavite alas-siyete kamakalawa ng gabi hanggang sa nakasalubong niya ang biktima na noon ay papalabas ng bahay.

Nabigla na lamang ang biktima nang barilin ito subalit masuwerteng hindi tinamaan.

Dahil sablay sa target, nang makita niya ang kasunod na alagang aso ng target ay ito ang kanyang binaril na ikinasawi ng aso.

Ayon kay Querijero, wala namang atraso si De Leon sa suspek kaya hinihinalang nag-trip lamang ang suspek at napagdiskitahan ang biktima at aso nito.

Inamin naman ng nakakulong na suspek ang pamamaril at pagmamay-ari ng isang kalibre 45 na baril. (Gene Adsuara)