Sumaklolo kay utol napatay

Patay ang isang lalaki na sumaklolo sa kanyang kapatid makaraang mauw­i ang lahat sa rambulan, kamakalawa ng gabi sa lungsod ng Makati.

Dead on arrival nang isugod ang biktimang si Michael Belmonte, 39, ng 155 V. 19th Avenue, Brgy. East Rembo ng naturang lungsod, sa Saint Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC) dahil sa natamo nitong tama ng hindi pa natutukoy na kalibre ng baril sa dibdib.

Lumabas sa report ni SPO2 Nilo Sadsad ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng 19th Avenue ng lungsod.

Nasa alas-sais umano ng gabi nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek na si Fredie Valdez, nasa hustong gulang, ng naturang lugar.

Tinutukan umano ng baril ni Valdez si Belmonte kaya inireklamo ito sa barangay.

Makalipas ang may isang oras, nakitang nagta­talo na ang kapatid ng biktima na si Florante at kapatid ng suspek na si Wilfredo.

Sa pag-aakalang dehado ang kanyang kapatid ay sinaklolohan ito ni ­Michael, gayundin naman si Fredie sa kanyang kapatid.

Dito na nauwi ang lahat sa rambulan kung saan bumunot umano ang suspek ng baril at pinutukan ang biktima.

Mabilis na tumakas ang magkapatid na Valdez matapos ang insidente, ngunit nadakip naman si Wilfredo.