Namatay na ang mag-asawang sakay ng ambulansiya na aksidenteng bumangga sa foot bridge sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.
Ang mag-asawang sina Rida Balanay, 38, at Emmanuel Balanay ay kapwa binawian ng buay sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong grabeng pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Base sa ulat, pasado alas-9:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Edsa corner East Avenue ng nasabing lungsod.
Ayon sa nakaligtas na pasahero na si Nora Rubaya, papauwi na sila ng Binangonan, Rizal matapos sunduin ang pamangking si Rida mula sa Lung Center of the Philippines nang mangyari ang aksidente.
Sa lakas ng impact, nayupi ang ‘hood’ at nawasak ang makina ng ambulansya dahilan upang magtamo ng matinding pinsala ang sakay nito na kinabibilangan ng mag-asawa.
Nakaligtas naman ang driver at ang dalawa pang babaeng sakay ng ambulansya habang hindi naman agad nailabas ng rescue team ng MMDA ang mag-asawa matapos maipit sa loob ng sasakyan.
Nabatid na sinundo lang ng nasawing mister ang kanyang misis matapos itong payuhan ng doktor na iuwi na lamang sa bahay dahil hindi na kayang magamot ang stage 4 lung cancer nito. (Dolly B. Cabreza)