Sumawsaw sa away ng mga misis, mister kinatay

Dahil lamang sa hanger sa sampayan na pinagtalunan ng dalawang misis, pinagsasaksak hanggang sa napatay ang isang 25-anyos na mister na sumawsaw sa away ng dalawa sa Tanza, Cavite.

Isinugod pa sa Gen Trias City Medical Hospital ang biktimang si Eickson Timotel, may live-in partner, ng Brgy. Bucal, Tanza Cavite subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa tinamong saksak sa katawan. Naaresto naman ang suspek na si Reynaldo Aramas, 45, may live-in partner at kapitbahay ng una.

Sa ulat ni Pat. John Paul Cruz ng Tanza Municipal Police Station, dakong alas-8:15 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa Bry Bucal ng naturang bayan kung saan nagtalo ang mga “misis” ng biktima at suspek dahil sa hanger.

Nang narinig ng suspek ang pag-aaway ng dalawa, imbes na ayusin ng una ay sumawsaw ito.

Nang nakita ng biktima na tila pinagtutulungan ng dalawa ang kanyang “misis”, sinita rin nito ang mister ng kanyang kapitbahay.

Umuwi ang suspek at kumuha ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Agad namang naaresto ang suspek ng mga rumespondeng mga barangay tanod na ngayon ay nakakulong sa Tanza Custodial Center. (Gene Adsuara)