Ang sigla ng demokrasya sa Pilipinas dahil kahit sinong mamamayan basta may hawak na smart phone at nakakonek sa internet ay nakakapagpahayag ng kanilang opinyon sa isang bagay.
Madalas, sobra-sobra nga lang ang demokrasya sa social media dahil nagagawa nila ang mga bagay na hindi magawa ng mga lehitimong kagawad ng media. Nakakapagbigay sila ng opinyon na hindi basta-basta nagagawa ng mga bona fide media.
Tulad na lamang nitong mga nakaraang mga araw, pinaglaruan ng netizens si Sen. Leila de Lima sa social media tulad ng pinagsama nilang larawan ni Mahal na sinasabing artista noon, senador na ngayon.
Huling banat kay De Lima ay ‘yung kunwaring promotion ng pelikulang “Bartolina” a love behind bars kung saan may larawan ito kasama ang tigasing preso na si Jaybee Sebastian.
Hindi rin ligtas si Sen. Antonio Trillanes IV na ginawan din ng meme nang patayan niya ng mikropono si Sen. Alan Peter Cayetano habang isinasalang sa intergorasyon ang kanilang witness sa Davao City killings na si Edgar Matobato.
Kesyo in-appoint daw ni Pangulong Rodrigo Duterte si Trillanes para mamuno sa curfew hours sa videoke na sinuman ang mahuhuling kumakanta paglagpas ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-otso ng umaga ay papatayan ng mikropono at ang gustong kumanta naman ay hindi niya papopormahin.
Hindi naman ligtas si Duterte dahil maging siya ay binabatikos din ng netizens tulad ng kumalat na larawan nina US President Barack Obama at Pope Francis na nagtatawanan at sa ibaba ay may caption na “Namura ka rin pala”.
Ganito kasigla ang demokrasya sa social media at kahit sino, kilala ka man o hindi ay hindi ka libre sa opinyon ng netizens kapag mayroong isyu laban sa iyo. Tiyak puputaktahin ka ng netizens opinion.
Halimbawa na riyan ‘yung pinagkamalang nasa likod ng pagpatay sa isang cyclist sa Quiapo, Manila na katakut-takot daw ng banta sa buhay ang tinanggap sa social media matapos magkamali ang isang on-line magazine na ilagay ang plaka ng kanyang kotse.
Kinuyog noon ang mama kaya nagpasaklolo siya sa National Bureau of Investigation (NBI) pero nang mapatunayang hindi talaga siya ang nakapatay sa cyclist, wala siyang natanggap na sorry sa mga netizens na nagmura, nagbanta sa kanya sa social media.
Walang erratum kapag nagkamali ang isang netizen sa kanyang nagawang opinyon hindi tulad sa mainstream media.
Kung ganito kasigla ang demokrasya sa social media, hindi na ako magtataka kung hindi mangyayari ang kinatatakutan ng ilan na magkakaroon ng martial law ulit sa bansa tulad ng ipinatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, 44 na taon na ang nakakaraan.
Lalong naniniwala ako na hindi magtatagumpay ang martial law dahil lahat ng ginagawa sa Pilipinas ay agad na nakakarating sa ibang bansa. Isang click lang nasa ibang bansa na ang nangyayari sa bansa.
Sumikip ang mundo dahil sa social media kaya walang sinumang world leader ang magtatangkang gumamit ng kamay ng bakal para kontrolin ang kanyang mamamayan dahil tiyak na kukuyugin sila ng international community agad-agad. (dpa_btaguinod@yahoo.com)