Summer Kuryente-Pid Tips

tipid-tips

Pihadong gamit na gamit ngayong tag-init ang mga aircon at iba pang cooling systems gaya ng electric fan at refrigerator. Ang iba nga, halos magkulong na buong maghapon sa kuwartong de-aircon. Halos wala na ring patayan ang gamit ng bentilador.

Ayon sa Department of Energy, naitatala ang peak demand sa kuryente tuwing Marso, Abril at Mayo, mga buwan kung kailan tagaktak ang pawis natin dahil sa init ng panahon. Ang mga coo­ling system ang may pinakamalaking energy consumption na umaabot sa halos limampung porsiyento.

‘Yon nga lang, pagdating ng electric bill, baka doble init ng ulo ang inyong maramdaman. This is the rea­lity. Dahil sa mataas na electricity consumption, tiyak na lolobo rin ang inyong buwanang bayarin sa kuryente.

Nakapanlulumong isi­pin na malaking bahagi ng ating kakarampot na suweldo, mapupunta lang sa electric bill.

Kahit para nang sirang plaka, hindi pa rin nagsasawang magbigay payo ang DOE. Kung gagamit ng aircon, i-set lang ito sa 25 degrees Celsius. Panatilihin ding malinis ang air filter ng aircon. Huwag hayaang sumi­ngaw ang lamig o pumasok ang init sa kuwarto.

Huwag ding i-todo ang paggamit ng electric fan. Imbes na high, i-set lang ito sa low. I-turn off din kung walang gumagamit dahil baka mag-over heat. Puwede ring magsama-sama na lang ang buong pamilya sa isang kuwarto para tipid sa konsumo.

Panatalihing malinis ang inyong refrigerator. Huwag hayaang kumapal ang yelo sa freezer at siguruhing walang sira ang gasket.

Patayin din ang mga nakasinding ilaw kung wala namang gumagamit. May kamahalan ang LED lights kumpara sa mga regular na bumbilya. Pero kung gusto n’yo talagang makatipid, you may want to start using led lights. Nasa 3 watts lang ang LED lights habang 24 watts ang normal na bumbilya.

Kung hindi n’yo talaga gagamitin ang isang appliances, tiyaking i- unplug ito sa outlet. Kahit kasi naka-off ang appliance, dumadaloy parin ang kuryente at kumukunsumo parin ito.

Kung mamamalan­tsa, huwag paisa-isa. Mas makatitipid kung isang bagsakan ang pagpaplantsa ng mga damit. Puwedeng once a week o kaya once a month.

Mas mura rin ang kur­yente mula 9:00 pm hanggang 8:00 am kinabukasan kaya planuhing maigi ang paggamit ng appliances.

Ang wais na pagkonsumo n’yo ng kuryente, hindi lang makamemenos sa bayarin. Makatutulong pa kayong maiwasan ang posibleng a­berya sa suplay ng kuryente ngayong summer.