Sumuko sa ‘Oplan Tokhang’ tinuluyan sa harap ni misis

dead-pusher

Isa namang lala­ki ngayon na dati na umanong sumuko sa Oplan Tokhang ang walang habas na pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa harap mismo ng asawa nito sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng gabi.

Agad na nasawi ang biktimang si Arnie Razo, 26-anyos ng Gulayan Street, Barangay Catmon ng nasabing lungsod dahil sa tama ng bala sa kanyang ulo at iba pang ba­hagi ng katawan,

Sa ulat ng Malabon City Police, alas-otso ng gabi nang maganap ang insidente sa kahaban ng Gulayan Street ng nasabi ring lugar kung saan ay nagla­lakad umano noon kasama ang asawang si Miya Razo ng biktima nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek na isinalarawang nakasuot ng dilaw na jacket at bullcap at walang anu-anong pinaputukan sa katawan ang biktima.

Agad namang natumba ang biktima ngunit muli pa itong pinaputukan ng ilan pang ulit sa dibdib ng suspek saka binaril sa ulo, matapos ang insidente ay naglakad lamang umano palayo patungo sa Governor Pascual Avenue ang suspek.

Na-recover sa pinangyarihan ng krimen ang hindi bababa sa apat na empty shells ng caliber .45 na baril, napag-alaman naman na kasama umano sa listahan ng mga sumuko sa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ang biktima.

Napag-alaman sa pulisya na mula umano nang sumuko sa Oplan Tokhang ang biktima ay hindi na rin umano ito talaga bu­malik sa iligal na gawain ng ipinagbabawal na gamot na pinatunayan rin ng kanyang mga kaanak at mga malalapit na kapitbahay.