Mukhang desperado na ang Transport Network Company (TNC) na Uber dahil nag-alok na ito ng P10 milyon bilang multa kapalit ng pagtatanggal sa isang buwang suspensiyon nito.

Ang alok na multa ng Uber ay ginawa kasabay ng ikalawang pleading na humihimok sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tumanggap ng multa, imbes na ipagpatuloy pa ang suspensiyon bilang solusyon.

Ang hirit ay ginawa ng Uber upang mabawasan umano ang pasanin ng mga mananakay at ng mga tsuper.

Bukod sa alok na multa ay kinumpirma ng Uber na nagbibigay sila ng ayuda sa apektadong mga driver ng suspensiyon.

Wala pang tugon ang LTFRB sa alok na ito ng Uber dahil marami pa itong tinututukang tinatrabaho.

Ang sa amin, hindi maganda ang pagpapalutang ng Uber na magmulta lalo na’t may ibi­nabasa nang suspensyon ang LTFRB.

Ang dapat gawin ng Uber ay sumunod sa tamang proseso hanggang sa maalis ang ipinataw sa kanilang suspensyon ng LTFRB.

Kasabay din sana ng ginagawa nilang apela ay gumugulong na ang pagpoproseso ng mga kinukuwestyon sa kanilang mga dokumento upang sa gayon ay maayos na ang operasyon ng mga accredited ng Uber at hindi nasasakri­pisyo ang kita ng kanilang mga miyembro.