Isang tricycle driver na sumuko na sa Oplan Tokhang ang napatay makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa tapat ng palengke sa Barangay Banga 1st, Plaridel, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Alfie Cordero, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Banga 1st ng nasabing bayan bunga ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Tumakas naman ang armadong riding-in-tandem nang matiyak na napuruhan ang pakay sa pamamaril na nangyari pasado alas-10:00 ng gabi habang ang biktima ay namamasada ng tricycle at naghihintay ng pasahero sa harap ng pamilihang-bayan sakop ng Barangay Banga 1st, Plaridel nang biglang hintuan ng isang motorsiklo na sinasakyan ng riding-in-tandem bago pinagbabaril ng back-rider.