Sumusuko na tinaniman pa ng 14-bala

“Overkilled”.

Ito ang iyak nang iyak na pahayag ni Rachel Bermoy, 19-anyos ng No.1696 F. Muñoz St. Barangay 43 Zone 6 Tramo Pasay City matapos nitong mabatid na 14 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang aga­rang ikinamatay ng kanyang live-in partner na si Eric Sison, 26, isang pedicab driver na pinagbabaril ng mga tauhan ng Pa­say City Police kahit ito ay sumusuko na kamaka­lawa ng madaling-araw sa nasabing lungsod.

Nalaman ni Bermoy sa pulisya kung ilan ang tama ng bala sa katawan ng kanyang kinakasama matapos itong suma­ilalim sa awtopsiya.

Lumalabas sa pagsu­suri ng Southern Police District – Scene of the Crime Operatives (SPD-SOCO) sa pangunguna ni Dra. Rodelia Nicolas na nasa 14 na tama ng bala ng kalibre .45 baril ang tumama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima na agarang ikinamatay nito.

“Bakit ganun po ang ginawa nila sa asawa ko sumusuko na nga po siya bakit hindi siya binigyan ng chance. Bakit ang dami niyang tama ng bala sa katawan” paha­yag pa ni Bermoy.

Aniya, pagtakbo ng kanyang asawa sa loob ng bahay ay sumigaw na itong susuko na siya su­balit pinagpatuloy pa rin ang pagbaril ng mga pulis.

Nilinaw din ni Bermoy na walang baril at hindi nagtutulak at gumagamit ng droga ang kanyang asawa kundi isa lamang itong pedicab driver.

Dahil dito maraming mga residente ang na­galit sa pagpatay ng mga pulis sa biktima.

Sinabi pa ng kapitbahay ng biktima na tumangging magbigay ng pangalan na nakatayo ang biktima sa tapat ng kanilang bahay nang dumaan ang isang mobile car na sakay ng tatlong pulis at sinita umano si Sison at binaril sa paa kaya napatakbo ito papasok ng bahay at umakyat sa bubong.

Doon ito muling binaril ng mga pulis hanggang sa mahulog sa kabilang bahay at tuluyang nakorner.

Dito na pumasok ang mga pulis habang sumusigaw si Sision ng pagsuko ngunit pinaulalan pa rin ito ng bala ng baril.

Kahapon ay sinibak na ang hepe at tatlong tauhan nito at hepe na kinabi­bilangan ni Senior Inspector Oscar Pagulayan, hepe ng Buendia Police Community Precinct (PCP) at tatlo nitong tauhan na sina PO1 Melford Olorosisimo, Jan Erwin Isaac at Benigno Balayjay.